Ang galing talaga ni Boss (Part 1) by: Toto Ong

ID-10040932

“Mr. Ang!” habang kumakaway ang boss niya at pinapalapit si Bo. 

Si Bo, short for Bogart, ay isang marketing specialist sa isang malaking technological products company sa Manila. Gusto niyang tawagin ang sarili na Bo  dahil masyado raw magaspang ang pangalang “Bogart” at kapag narinig na ng kliyente, parang gusto na siyang layuan dahil tunog siga ang pangalan nya. At least, ayon sa kanya, eh parang “states side” ang dating ng “Bo”.

Napalingon si Bo sa direksyon ng taong tumatawag sa kanya, at nang makita na boss nya ang tumatawag, dali-dali siyang lumapit dito.

“Yes ser?!” habang medyo nakangiti na hindi mawari ang mukha kung masaya o malungkot. Halatang umiiwas si Bo na tumingin sa boss na seryosong nakatingin sa kanya.

“In my office, Mr. Ang.”

Si Mr. Vilsia ang boss ni Bo, isang mahinahon at taong di mo kailan man makikitaan ng galit o anomang bakas ng kaaskaran sa mukha. Ang sabi nila, si Mr. Vilsia ay galing sa isang multinational company bago siya pumasok bilang general manager at part-owner ng company. Maliit lang si Mr. Vilsia, siguro wala pa siyang 4’11” kaya halos lahat ng empleyado eh tinitingala niya habang kinakausap. Palabiro din siya, madalas niyang sabihin sa mga empleyado, tuwing nasa meeting sila, na hindi naman talaga siya maliit, cute lang. At tuwing sinasabi niya ito, lahat ng empleyado ay siguradong hahagalpak sa kakatawa. Tubong Cebu rin si Mr. Vilsia, kaya kadalasan, lalo na kapag na-eexcite na, siguradong lalabas ang bisayang tono nito, na siyang kinagigiliwan ng mga empleyado.

Pinauna niyang  papasukin sa pinto si Bo at sumunod na pumasok si Mr. Vilsia.

“Maupo ka, Mr. Ang.”

Gayon naman ang ginawa ni Bo at di na maitago ang kaba at pinapawisan na ang noo at mga kamay. Kinuha ang kanyang panyo at halos mabasa na ito nang husto dahil sa sobrang pagpapawis. Nakangiting nakatingin sa kanya si Mr. Vilsia habang tinutungo ang swivel chair na nasa likod ng kanyang malaking mesa.

“Alam mo Mr. Ang, natanggap ko ang report ng sales department, at mukhang hindi maganda ang report nila tungkol sa sales natin.” Nakatingin ito sa isang pirasong papel na parang inaanalisa ang laman nito. Sabay bigay ng papel na tila bahagyang hinagis at dumausdos sa mesa nito papunta kay Bo. Hindi nito hinawakan ang papel at tila sinilip lang.

“Basahin mo, Mr. Ang” habang nakangiti pa rin siya kay Bo.

Nakatitig lang si Bo sa papel pero di pa rin niya ito hinahawakan, ang nakikita lang niya eh puro numero na may pulang marka, at parang naisip nito na parang eto rin ‘yung nakikita niya sa mga classcards nung nag-aaral pa lang ito sa college, na ang ibig sabihin eh bagsak.

Napakamot ito sabay sabi, “oo nga sir, mukha ngang hindi maganda itong nakikita ko.” sabay ngiti ng alanganing ngiti.

“Alam mo Mr. Ang, kung natatandaan ko, first time lang  na mangyari sa atin ito. Biruin mo, ang sales natin hindi bumababa ng 1000 per week, pero ngayon wala pang 800. May problema ba sa marketing natin, Mr. Ang?”

May alinlangan sa mga labi ni Bo, at halatang di siya handa sa ganitong pagkakataon.

“Eh. ser…”

“Alam mo Mr. Ang, baka kapag ganito ng ganito ang mangyayari sa atin, baka malugi na tayo. Ano ba talaga ang problema?” Nakangiti pa rin ito habang nagsasalita.

“Eh. ser, wala naman pong problema, ganito po kasi… ” panimula ni Bo, “Alam ninyo naman siguro ser, na may bagong bukas na kumpanya, at malaki ang promo nila kaysa sa atin. Baka siguro sinusubukan lang nila ang produkto ng kabila?”

“Hmmm. ganun ba?” Sabi ng boss niya. Pero parang hindi ito kumbensido. “Eh kung talagang may promo ‘yung kabila, ‘di ba may promo rin tayo? ‘Di ba binigay mo ng 50% off lahat ng mga low-end gadgets natin? Sa laki ng discounts na binigay mo, at sa konti ng bumili siguradong lugi na tayo. ” Nawala na ang ngiti sa mukha nito at halatang seryosong usapan na.

“Yes ser, pero ser, hindi po ba may approval po ninyo yon?” Habang halos nakayuko na ito na parang nakahanda ng mabulyawan.

“Ano’ng ibig mong sabihin!” Sabay hampas sa mesa. BLAG! Sa unang pagkakataon, nakita niya ang boss niya na nanlilisik ang mata, at mukhang demonyo na sa galit. “Ibig mong sabihin, ako pa ang may kasalanan kung bakit nangyayari ito!!! Ibig mo bang sabihin, na ako ang may pakana ng malalaking discount na ito!!!”

Sa totoo naman, si Mr. Vilsia naman talaga ang may ideya ng malalaking discount dahil nga sa banta ng bagong bukas na kumpanya na mas mura at mas maganda ang mga gadgets. Imported kasi mula sa US ang mga gadgets na binebenta nila kumpara sa kumpanya nila Bo na galing ng China, halata na ang quality nila eh hindi makatapat sa kabilang kumpanya.

“Ang sabihin mo Mr. Ang, tamad ka kasi, hindi mo binabantayan ang mga tauhan mo, lagi kang nasa labas! ikot ka ng ikot sa mga kumpanya pero wala ka namang naiuuwing deal!” Galit na galit na si Mr. Vilsia. “Nagbubulakbol ka ba, Mr. Ang?” Dagdag pa niya.

“Eh ser, sabi nyo kasi pumunta ako sa mga kumpanya at lumibot ako para may deal tayong makuha. ” payukong sumagot si Bo na parang naghahanda na naman ito ng susunod na bulyaw.

Pero sa pagkakataong ito, parang tumahimik sandali si Mr. Vilsia at sinandal ang likod sa kanyang swivel chair. Sumilip bahagya si Bo sa amo nya habang nakayuko at nakita nga niyang nakasandal sa upuan at parang huminahon. Parang nakahinga na rin siyang bahagya dahil sa nakita at medyo nahihimasmasan na rin siya. Sandaling tumahimik sa kwarto na parang walang tao at animo’y may maririnig kang kuliglig sa sobrang tahimik.

“Hmmm, ganun ba?” Sa pagkakataong ito, mahinahon na si Mr. Vilsia, at medyo nakangiti na rin. “Alam mo Mr. Ang, nung panahon ko, nung nagtatrabaho pa ako sa dati kong company, hindi kami ganito, lagi kaming napapagalitan ng boss namin. Kaya kami natuto talaga ng husto, malayong malayo sa mga ginagawa ninyo dito. Maswerte pa nga kayo, kasi kayo, halos mga baby ko na dito. Di ba pinag-aral pa nga kita mag-drive?”

Eto na naman si Mr. Vilsia, sa mga ganitong pagkakataon, isusumbat niya lahat ng mga binigay niya sa mga empleyado niya.

“Hindi ba, nung nangailangan ka ng pang-negosyo ng misis mo, binigyan din kita? Magkano nga ulit ‘yon?”

“P10,000.00 po ser. kaya nga po, nagpapasalamat kami sa ‘yo” sagot naman ni Bo.

“Hindi ba, nung kasal ninyo ng misis mo, ang ganda ng regalo ko sa inyo? Ano nga ‘yong regalo ko sa inyo?”

“Aircon po ser, masaya nga po mga anak ko, dahil sa hanggang ngayon nagagamit pa rin namin.” Nakangiting tugon ni Bo.

“At di lang ‘yon, baka nakalimutan mo na sagot ko rin ‘yong honeymoon nyo sa Cebu. Tama ba ako Mr. Ang?”

“Opo ser, di namin talaga nakakalimutan ‘yon. Ang saya saya namin nun.” Sagot ulit ni Bo.

“Kasi ganun ako sa mga empleyado ko, gusto ko, happy kayo!” Buong pagmamalaking kwento ni Mr. Vilsia, habang halos nakahiga na sa pagkakasandal sa swivel chair at nakatingin sa kisame na parang sinasariwa ang mga binigay niya.

“Pero alam mo Mr. Ang, kung kayo gusto kong maging happy, dapat naman sana, maging happy din ako. Pwede ba ‘yon, Mr. Ang?”

“Opo ser, kaya nga po ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin para maging happy rin kayo.”

To be continued …

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s