Disiplina by: Toto Ong (di ko kapatid si Bob)

Toto Ong

Toto Ong

Isang taxi ang nasakyan ko sa lungsod ng Baguio, nagrereklamo sya sa maraming bagay sa mga ginagawa sa ciudad. Gaya ng paggawa ng flyover papasok ng ciudad na nakadugtong sa Marcos highway. Ang sabi nya, “Wala namang nagawang maganda ‘yang flyover na yan, lalo pang nagpa-traffic” Wala akong idea kung ano ang sinasabi nya kasi di naman talaga ako taga-doon. Panay lang ang kwento nya tungkol sa mga nakikita nyang mali sa sistema sa ciudad, kesyo, marami ang kurakot, keyso marami raw ang palusot, at kahit nahuhuli na, nagpapalusot pa rin at nakikiusap pa at baka sakaling lumusot.

Bigla akong napaisip, “oo nga ‘no”. Mahilig ang mga Pilipino, na kahit nahuli na, hindi pa rin aamin at tatangkain pang lumusot, ang kung di lulusot, may nakahandang “pampadulas” para talagang makalusot. Naranasan ko yan habang nakasakay ako sa isang pampasaherong jeep, panay ang hinto ng jeep sa hindi nya naman dapat hintuan. At sa wakas, nahuli rin sya ng isang Pulis na di nya agad nakita nung pumarada sya. Nilapitan sya ng pulis at hiningi ang lisensya nya, lumayo ng bahagya ang pulis sa jeep at bumaba naman ang driver at sabay sabi: “Di kasi kita nakita eh”. Sa di ko malamang dahilan, parang nagpanting ang tenga ko, sa loob-loob ko, ibig palang sabihin, susunod ka lang sa batas kung may nakabantay, at kung wala, eh di ka na susunod. Parang nasabi ko tuloy sa sarili ko, “buti nga sayo”. Ewan ko kung kasalanan yun, patawarin nawa ako. Pero siguro kailangan talaga ng matinding disiplina tayong mga Pilipino.

Medyo matagal silang nag-usap ng pulis, at sa wari ko, parang nagtatalo silang dalawa at may inaabot ang driver sa pulis pero tinutulak ng pulis ang kamay ng driver at parang tumatanggi. Bumalik ang driver sa jeep, at pakamot-kamot na sumakay. “Pambihirang pulis yan oh, nagtatago kasi eh, nakuha tuloy lisensya ko, ayaw tanggapin yung singkwenta ko.”  Nagkatinginan kami ng kapwa ko pasahero at parang napangiti kami, siguro isang senyales na natutuwa kami sa ginawa ng pulis. Hindi naman pala lahat ng pulis eh kurap. May mga matitino pa rin pala. Pero etong driver na ito mukhang sanay na sa kurap na sistema at alam na gagawin sa mga ganung sitwasyon.

Kawalan ng disiplina ng mga Pilipino ang madalas na nagiging sanhi ng kurapsyon sa bansang ito. Na sinasamantala naman ng mga kurap na taga-pagpasunod ng batas. Marami na akong nakita, tumatawid sa di dapat tawiran, ayaw gumamit ng overpass, at sa mismong ilalim pa ng overpass tatawid. tsk! tsk! Pambihira. Tapos kapag nasagasaan, sasabihin nila tsamba lang. At ang mga kaanak pa ang may ganang magreklamo. Ang mga overpass naman, sang damak-mak na mga vendors na halos wala ka nang madaanan, at kapag nasagi mo ang paninda sila pa ang galit. Mga jeep na ginagawang terminal ang halos bawat kanto na maraming tao, at kapag gustong dumaan ng sasakyan mo at nakaharang sila, mumurahin ka pa. Mga taong gustong madaliin ang proseso ng mga transaksyon sa gobyerno, pumupunta na lang sa mga “fixers” at kapag naloko, sisihin ulit ang gobyerno.

Kaya kapag nahuli sila ng mga wala ring disiplinang mga nasa otoridad, naglalagay na lang para makaiwas sa huli. At siempre iisipin nila na makakalusot naman pala kahit anong gawin nila basta maglalagay lang. At tuloy lang ang ligaya. At ganun na nga ang nangyayari, tuloy tuloy na ang paglugmok natin bilang isang walang disiplinang bansa. Walang batas-batas basta may lagay lang, oks na yan. Ilan pa lang yan sa mga nakikita natin sa pang araw-araw na buhay. Eh yung hindi kaya natin nakikita sa pang araw-araw na buhay? ‘yung mga malalaking bagay kaya?

Nakakalungkot lang isipin, na kahit sa mga eskwelahan, nangyayari yan. Dumalaw ako sa isang malaking eskwelahan. Nagkakwentuhan kami ng isa nilang teacher sa engineering. Noong mga panahong iyon, na-entrap ang isang komisyoner ng PRC dahil sa kurapsyon. Tinanong nya ako:

“Kamusta na kaya ang board exam nila sa susunod, sir?”. Bago pa man ako nakasagot, sabi nya: “Mukhang wala ng — alam mo na — kawawa naman ang mga students ko”. Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko. Isa itong teacher, at alam nya na iyong “alam mo na”, hindi makakabuti sa mga estudyante niya. Pero bakit niya nasabi iyon. Siguro gusto niya talagang pumasa lahat ng estudyante sa board exams, sa kahit anong paraan, mapabuti man o mapasama. Muli, isang halimbawa ng kawalang disiplina ng mga Pilipino, sana kung tinuturuan nila nang maayos ang mga estudyante nila, hindi sila mismo ang mag-eendorso ng mga “alam mo na”. Tsk! tsk! Nakakaawang kalagayan ng mga estudyanteng ito.

Paano na lang kung mga estudyanteng walang alam eh pumasa dahil sa “alam mo na”? At ang mahirap pa, kung sakaling maging topnotcher pa?! Pero walang alam at nakuha lang sa kabisaduhan ng “alam mo na”?! Eto na ba ang bagong “breed” ng engineers, passer or topnotcher sa kabisaduhan ng “alam no na”? Kaya pala mga wala tayong panama sa mga engineers ng China, India o kahit ng Malaysia.

Dahil sa kawalan ng disiplina ng mga estudyante at pati na ng mga teacher nila, dito na lang sila pumupunta sa mga walang disiplinang review center na kunektado sa mga walang disiplinang kawani ng gobyerno at pinapalaganap pa ang kawalang disiplina ng mga Pilipino.

Salamat sa ginagawang pagbabago ng ating mahal na presidente Aquino sa pagsugpo sa kurapsyon sa gobyerno. At sana, kasabay ng pagsugpo sa kurapsyon, turuan din ang bawat Pilipino ng maging disiplinado. Hindi dapat maging dahilan ang pagiging mahirap o konti ang o walang pinagaralan para sabihing di nila kailangan ang disiplina, kundi ang disiplina ay dapat nasa kultura ng bawat Pilipino mahirap man o mayaman, may pinag-aralan man o wala. Mas lalo na ang mga mayayaman at may pinag-aralan na dapat sila ang nangunguna sa  magandang disiplina.

Hanggang dito na lang, antok na ako. Hanggang sa muli mga ka-toto.

by: Toto Ong (di ko kapatid si Bob!)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s